
USM Joins 112th Kalivungan Festival Celebration
September 3, 2026
Dr. Ma Leslie C. Sales Named New UPRIO Director
September 7, 2026
Sa pagpapatuloy ng proyektong “Dokumentasyon ng mga Wika sa Pilipinas”, na nakatuon sa Wikang Mënubù Dulángan sa bayan ng Senator Ninoy Aquino, at Kalamansig ng Sultan Kudarat, nagsagawa ng paunang balidasyon sa nabuong burador nitong Agosto 20-22, 2026, sa Manobo Village Elementary School, Kulaman, Senator Ninoy Aquino, Sultan Kudarat, upang matiyak ang kawastuhan, kaangkupan, at pagiging makatotohanan ng dokumentasyon.
Pinangunahan ang aktibidad ni Dr. Radji A. Macatabon, ang punong mananaliksik ng proyekto mula sa Pamantasan ng Katimugang Mindanao- Sentro ng Wika at Kultura (USM-SWK), kasama ang mga katuwang na mananaliksik. Kabilang sa mga kalahok sa balidasyon ang mga lider ng katutubong pamayanan ng Mënubù Dulángan mula sa dalawang bayan, kinatawan ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP), at mga kawani mula sa Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) na gumabay sa proseso ng balidasyon batay sa itinakdang pamantayan ng ahensiya.
Sa loob ng tatlong araw, aktibong nakilahok ang mga lider ng katutubong pamayanan sa talakayan at pagsusuri ng nabuong burador. Sa pagkakataong ito, sinuri at pinagtibay ng mga eksperto, guro, at katutubong tagapagsalita ang nilalaman ng sampung kabanata ng dokumentasyon. Natapos ang balidasyon na may ilang rebisyon, mga komento at mungkahi mula sa komunidad at KWF upang higit pang mapahusay ang nilalaman ng dokumentasyon.
Ang gawain ay matagumpay na naisagawa sa tulong ng Lokal na Pamahalaan ng Senator Ninoy Aquino, sa ilalim ng pamumuno ni Hon. Mayor Rafael George L. Flauta III, bilang patunay ng pangako ng LGU na itaguyod at pangalagaan ang kultura, wika, at pagkakakilanlan ng mga katutubong mamamayan sa kanilang bayan. Malaki rin ang naging ambag ng mga guro at School Head ng Manobo Village Elementary School sa matagumpay na pagsasagawa ng aktibidad.
Sa kabuuan, naging mahalagang bahagi ang isinagawang balidasyon sa pagpapaunlad at pagpapatibay ng dokumentasyon ng Wikang Mënubù Dulángan. Sa pamamagitan ng aktibong pakikilahok ng mga katutubong tagapagsalita, lider ng pamayanan, guro, eksperto, at mga katuwang na institusyon, natiyak na ang nilalaman ng dokumentasyon ay nakabatay sa aktuwal na gamit, kaalaman, at karanasan ng komunidad. Ang mga mungkahi at rebisyong nabuo mula sa proseso ng balidasyon ay magsisilbing gabay sa higit pang pagpapahusay ng burador bago ito tuluyang maisapinal. Sa ganitong paraan, patuloy na maisusulong ang pangangalaga, pagpapayabong, at pagpapasa sa susunod na henerasyon ng wika, kultura, at pagkakakilanlan ng mga Mënubù Dulángan.
Text: G. Michael B. Mestidio at Bb. Jolly D. Samulde




