USM-USG Nagsagawa ng Outreach Program na “KONEKta: Linis, Alerto at Digital” sa Datu Mantangkil High School, Arakan, Cotabato

USM Hospital Earns DOH Recognition for Excellence in Healthcare
December 15, 2025
USM Hospital Earns DOH Recognition for Excellence in Healthcare
December 15, 2025

Matagumpay na naisagawa ng USM–University Student Government (USG) ang kanilang outreach program na KONEKta: Linis, Alerto at Digital sa Datu Mantangkil High School sa Arakan, Cotabato noong Disyembre 11, 2025. Ang programa ay dinaluhan ng mga mag-aaral mula sa Junior High School at mga guro sa paaralan. Karamihan sa mga mag-aaral ng paaralan na ito ay mga Manobo-Tinananon. Ang nasabing programa ay naglalayong palawakin ang kaalaman ng mga mag-aaral sa kahalagahan ng kalinisan, kahandaan sa sakuna, at mahahalagang isyung pangkalusugan na kinakaharap ng kabataan.

Bilang pangunahing bahagi ng aktibidad, nagsagawa ang USG ng lektura sa Adolescent Reproductive Health (ARH) upang bigyang-kaalaman ang mga kabataan tungkol sa wastong pangangalaga sa katawan, responsableng pag-uugali, at mga usaping may kinalaman sa kanilang kalusugang reproduktibo. Sinundan ito ng pagsasanay sa Basic Life Support (BLS) kung saan itinuro ang mahahalagang paunang lunas, tamang pagtugon sa oras ng emerhensiya, at wastong pagsasagawa ng Cardiopulmonary Resuscitation (CPR) na maaaring gamitin ng mga mag-aaral sa anumang sitwasyong nangangailangan ng agarang tulong.

Pagkatapos ng mga lektura, namahagi ang USG ng hygiene kits sa mga mag-aaral upang hikayatin ang mas mahusay na pangangalaga sa kalinisan at personal hygiene. Makatutulong ito upang mabawasan ang panganib ng sakit at mapanatili ang malusog na kapaligiran sa paaralan.

Katuwang sa matagumpay na pagdaraos ng programa ang USG Adviser at Co-Adviser na sina Roselyn M. Clemen at Dr. Radji A. Macatabon, na nanguna sa pangangalap ng donasyon at kagamitan. Ang mga nakalap na tulong ay ipinamahagi sa mga mag-aaral at guro sa tulong ng mga tanggapan ng Sentro ng Wika at Kultura (SWK), Office of Student Affairs (OSA), Extension Services, at ni Atty. Marites Barrios-Taran, Tagapangulo ng Komisyon sa Wikang Filipino, na nagbigay din ng pinansyal na suporta para sa matagumpay na pagsasakatuparan ng programa.

Sa kabuuan, ang programang KONEKta: Linis, Alerto at Digital ay naging makabuluhang hakbang tungo sa pagpapalakas ng kaalaman, disiplina, at kahandaan ng mga kabataang nasa junior high school. Nag-iwan ito ng mahalagang mensahe na sa pamamagitan ng pagkakaisa, malasakit, at pagtutulungan, posible ang paghahatid ng positibong pagbabago sa mga paaralan at komunidad.

Jimwell Pande
Jimwell Pande
Extension Editor & Staff