
USM Expert Spearheads DAR-Led Training on Briquette Production
October 12, 2026
USM Faculty Researchers to Apply Gender Analysis in AANR Projects After DOST-PCAARRD Training
October 12, 2026
Nakiisa ang University of Southern Mindanao (USM) sa pagdiriwang ng Buwan ng Katutubong Pilipino sa pamamagitan ng pagsasagawa ng lektura tungkol sa kapayapaan at kultura na may temang “Kapayapaan at Kultura: Pagpapalakas ng Interkultural na Pag-unawa at Panlipunang Pagkakaisa.” Isinagawa ang aktibidad noong 8 Oktubre 2026 sa Kundo E. Pahm Learning Resource Center (KEPLRC), USM, Kabacan, Cotabato.
Pinangunahan ng Gender and Development (GAD) Office, sa pakikipagtulungan ng Sentro ng Wika at Kultura (SWK), ang nasabing aktibidad sa pamumuno nina Assistant Professor Roselyn M. Clemen, GAD Focal Person, at Dr. Radji A. Macatabon, direktor ng SWK.
Dumalo sa aktibidad ang mga estudyanteng kabilang sa mga katutubong pamayanan (IP) at iba pang mga estudyante ng pamantasan. Nakiisa rin sa aktibidad sina USM President Jonald L. Pimentel, PhD; KEPLRC Director Susan A. Martinez; at Office of Student Affairs (OSA) Director Maria Leida M. Donque, EdD, gayundin ang iba pang mga opisyal ng pamantasan.

Tinalakay sa lektura ang kahalagahan ng pagsusulong ng pagkakapantay-pantay, paggalang sa pagkakaiba-iba ng mga kultura, at mapayapang pakikipamuhay. Pinangunahan ang talakayan ni Hon. KJ Mamo Nobre, isang tagapagtaguyod ng karapatan ng mga katutubo at kauna-unahang Mënubù Dulangan na naging Sangguniang Kabataan (SK) Chairperson ng Barangay Bugso, Senator Ninoy Aquino, Sultan Kudarat.
Ibinahagi ng tagapagsalita ang kaniyang kaalaman hinggil sa mga karapatan at tradisyon ng mga katutubo, gayundin ang papel ng kabataan sa pangangalaga ng kanilang pamanang kultural at pagpapalaganap ng pag-unawa sa iba’t ibang pangkat ng lipunan.

Binigyang-diin sa programa ang kahalagahan ng pagkilala at paggalang sa kultura, mga karapatan, at pagkakakilanlan ng mga katutubo bilang mahahalagang bahagi ng pagbuo ng isang inklusibo at mapayapang pamayanan.
Bilang tagapagtaguyod ng pagkakapantay-pantay ng kasarian at panlipunang inklusyon, binibigyang-halaga ng USM GAD Office ang mga gawaing nagpapalawak ng kamalayan sa pagkakaiba-iba ng kultura at pagkakakilanlan. Kaakibat nito ang pagsusulong ng paggalang sa dignidad at mga karapatan ng bawat indibidwal, gayundin ang pagbuo ng isang pamayanang malaya sa diskriminasyon at nagbibigay ng pantay na pagkakataon para sa lahat.
Sa pamamagitan ng pagtutulungan ng GAD Office at SWK, patuloy na isinusulong ng USM ang mga programang nagtataguyod ng paggalang sa kultura, pagkakapantay-pantay, at pagkakaisa. Inaasahang makatutulong ang mga ganitong inisyatibo upang higit na mapalalim ang pag-unawa sa pagkakaiba-iba at mapatatag ang isang ligtas, inklusibo, at mapayapang pamayanan sa loob at labas ng pamantasan.
Text: April Rose Dela Rama


