Ortograpiyang Mënubù Dulángan, Pinalakas sa Pamamagitan ng Workshop at Oryentasyon

USM Distributes Equipment to LSGs Using Accumulated Funds

August 25, 2026

ONLINE CLASSES ON SEPTEMBER 2 – 4, 2026

August 25, 2026

USM Distributes Equipment to LSGs Using Accumulated Funds

August 25, 2026

ONLINE CLASSES ON SEPTEMBER 2 – 4, 2026

August 25, 2026

Sa gitna ng pagdiriwang ng Buwan ng Wika ngayong buwan ng Agosto, nagsagawa ang DepEd Sultan Kudarat Division, katuwang ang Pamantasan ng Katimugang Mindanao (USM), ng Pansangay na Oryentasyon at Palihan sa Pagbuo ng Ortograpiyang Mënubù Dulángan noong 6–8 Agosto, 2026 sa Paraiso Verde, Marbel, Koronadal City.

Isinagawa ang gawain sa ilalim ng proyektong PROJECT TITIK: Pagbuo ng Ortograpiyang Mënubù Dulángan, sa pakikipagtulungan ng University of Southern Mindanao (USM), Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), DepEd Sultan Kudarat Division, at mga lokal na pamahalaan ng Esperanza, Bagumbayan, Senator Ninoy Aquino, Lebak, Kalamansig, at Palimbang sa Sultan Kudarat.

Dinaluhan ang gawain ng mga guro ng Indigenous Peoples Education (IPEd) at mga lider-katutubo mula sa anim (6) na bayan ng Sultan Kudarat na may mga pamayanang Mënubù Dulángan. Dumalo rin ang mga kinatawan ng DepEd Sultan Kudarat Division sa ilalim ng Programang IPEd, kabilang si OIC-Schools Division Superintendent Dr. Mielrose B. Peralta, EdD, CESO VI; kinatawan ng Panrehiyong Tagapag-ugnay ng Programang IPEd; mga mananaliksik mula sa Pamantasan ng Katimugang Mindanao; at mga kawani ng Komisyon sa Wikang Filipino na nagsilbing tagapagsanay at tagapagpadaloy ng gawain.

Layunin ng proyekto na makabuo ng isang estandardisadong sistema ng pagsulat para sa wikang Mënubù Dulángan na magsisilbing batayan ng mga guro sa pagtuturo sa mga katutubong mag-aaral na Mënubù Dulángan.

Ayon kay Dr. Regan Dagadas, Panrehiyong Tagapag-ugnay ng Programang IPEd, magiging mahalaga ang ortograpiya sa pagtuturo sa silid-aralan.

“Mahalaga po ito na workshop dahil itong Ortograpiya ng Mënubù Dulángan ay magagamit po ng ating mga teachers sa pagtuturo ng reading, kaalaman sa kanilang kultura, at the same time, makatutulong sa kanilang pagpapatatag ng kanilang pundasyon sa literacy, numeracy, and reading,” ani Dr. Dagadas.

Binigyang-diin naman ni Dr. Mielrose B. Peralta, EdD, CESO VI, kung paano nakaugnay ang gawain sa diwa ng Buwan ng Wika.

“The three-day workshop embodies the very essence of this celebration, preserving, strengthening, and giving life to one of the country’s invaluable indigenous languages, which is Menubu,” pahayag niya.

Ang palihan ay isa lamang sa mga paunang gawain ng proyekto na pinangunahan ng Pamantasan ng Katimugang Mindanao sa ilalim ng Sentro ng Wika at Kultura (SWK), Multicultural Indigenous Peoples Center for Research, Education, and Development (MIPCRED), Gender and Development (GAD), at Kundo E. Pahm Learning Resource Center (KEPLRC).

Sa tatlong araw na palihan, naging makabuluhan ang talakayan at mga gawaing isinagawa ng mga kalahok sapagkat nakabuo sila ng paunang burador ng Ortograpiyang Mënubù Dulángan. Ang burador ay daraan pa sa pagsusuri, rebisyon, balidasyon sa komunidad, at pinal na pag-apruba.

Sa kabuuan, isa sa mga pangunahing hangarin ng proyekto na ipakita na ang pagmamahal sa wikang Filipino ay hindi nakahiwalay sa pagmamahal at pagpapahalaga sa mga katutubong wika ng bansa. Sa bawat titik na binubuo at sa bawat tunog na tinutukoy, may buhay na pinananatili at kasaysayang pinoprotektahan. Ito ang tunay na diwa ng Buwan ng Wika—hindi lamang pagdiriwang ng iisang wika, kundi pagkilala at paggalang sa lahat ng wikang bahagi ng ating pagkakakilanlan at pagkabansa.

Sa pagtatapos ng tatlong araw na gawain, dala ng mga kalahok hindi lamang ang mga bagong kaalaman at kasanayan, kundi isang mahalagang pangako: na ang wikang Mënubù Dulángan ay hindi lamang mapananatili at mabubuhay, kundi patuloy ding lalago, sasalitain, at isusulat ng mga susunod na henerasyon.

Text: Michael B. Mestidio & Jolly D. Samulde

Ortograpiyang Mënubù Dulángan, Pinalakas sa Pamamagitan ng Workshop at Oryentasyon
This website uses cookies to improve your experience. By using this website you agree to our Data Protection Policy.
Read more