USM, KWF at DepEd Kidapawan City Nagsagawa ng Pagpupulong at Konsultasyon para sa Pagbuo ng Ortograpiyang Ubu Manuvu

PSA-Cotabato Taps USM Faculty to Deliver CBMS Training on Basic Statistics for LGUs
March 10, 2026
PSA-Cotabato Taps USM Faculty to Deliver CBMS Training on Basic Statistics for LGUs
March 10, 2026

Sa pagpapatuloy ng proyekto ng University of Southern Mindanao (USM) at ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), katuwang ang Sentro ng Wika at Kultura (SWK), Kundo E. Pahm Learning Resource Center (KEPLRC), College of Education, at Gender and Development Office, nagsagawa ng konsultasyon para sa pagbuo ng ortograpiya ng wikang Ubu Manuvu. Ang gawaing ito ay bahagi ng mas malawak na layunin ng proyekto na makabuo ng ortograpiya para sa ilang katutubong wika sa Mindanao. Ang pagpupulong at konsultasyon ay dinaluhan ng mga guro ng Indigenous Peoples Education (IPed) mula sa Kidapawan City Division at ginanap sa Conference Room ng Schools Division Office (SDO) Kidapawan City noong 6 Marso 2026.

Ang nasabing pagpupulong ay kaugnay ng unang konsultasyon na isinagawa noong 25 Pebrero 2026. Pinangunahan ito ng punong mananaliksik na si Dr. Radji A. Macatabon, direktor ng SWK; Prof. Susan S. Martinez, direktor ng KEPLRC; Roselyn M. Clemen, direktor ng GAD; at Dr. Norquez M. Mangindra. Dumalo rin sa pagpupulong ang Schools Division Superintendent ng Kidapawan City na si SDS Miguel P. Fillalan Jr., CESO V, kasama ang mga guro ng IPed mula sa komunidad ng Ubu Manuvu.

Sa nasabing konsultasyon, ibinahagi ng mga guro ang kanilang nasimulang gabay na aklat sa pagsasalita at pagsusulat ng Ubu Manuvu na pinamagatang Od Batok woy Od Oseng Ki. Layunin ng aklat na magsilbing batayang materyal sa pagtuturo at paglinang ng wika sa mga paaralan at komunidad ng Ubu Manuvu.

Nakiisa rin sa pagpupulong sa pamamagitan ng Zoom ang tagapangulo ng Komisyon sa Wikang Filipino na si Atty. Marites Barrios-Taran, kasama ang mga kawani ng komisyon na sina G. Kirt John Segui, Senior Language Researcher, at sina G. Christian Nayles at G. Rolien Mark Balisi na kapwa Assistant Researcher at Project Coordinator.

Ang proyektong ito ay nakaangkla sa mga mandato ng Komisyon sa Wikang Filipino na nakasaad sa Republic Act No. 7104, na naglalayong magbalangkas ng mga patakaran, plano, at programa upang higit pang mapaunlad, mapayaman, mapalaganap, at mapreserba ang wikang Filipino at iba pang mga wika sa Pilipinas.

Sa pamamagitan ng ganitong mga konsultasyon, inaasahang higit na mapalalakas ang dokumentasyon at pagpapaunlad ng mga katutubong wika, gayundin ang pagpapanatili ng mayamang kultura at identidad ng mga katutubong pamayanan sa Mindanao.

Manunulat: Jolly D. Samulde, Research Assistant